Sistema para sa Pagpapatupad ng Relief Goods Distribution

March 23, 2020
13:40pm

Para po sa Kaalaman ng lahat:

Ang atin pong lokal na pamahalaan ng Castillejos ay nag uumpisa nang mamahagi ng ayuda sa ating mamamayan. Ipamamahagi po sa bawat barangay ang mga ito sa maayos na pamamaraan:

A. Mauunang makakatanggap ang ating mga kababayan na lubhang nangangailangan ng tulong o ang mga vulnerable at disadvantaged households. Ito po ay magmumula sa iba’t-ibang sektor na base sa nakatala sa ating Munisipyo.

B. Ang pamamahagi ay nakaayon na sa isang balot sa bawat sambahayan (one per household)

C. Ang ayuda ay iaabot mismo sa bahay ninyo. Hindi po kailangan na pumunta sa barangay o sa munisipyo dahil ang tulong ay siguradong ihahatid sa inyong mga tahanan Ito po ay para maiwasan ang pagkalituhan at maipatupad ang social distancing. Maaari lamang po na maghintay sa loob ng inyong mga tahanan.

D. Kung magkaroon man po ng kaguluhan habang nagrarasyon ang aming mga tauhan, pansamantalang ihihinto po sa inyong lugar o purok ang pamamahagi at lilipat muna sa mas disiplinadong purk upang mas mabilis na maipamahagi ang tulong.

Inaasahan po namin ang inyong kooperasyon nang sa gayon ay sama-sama po tayon maging ligtas sa COVID 19. Nawa’y maipakita po nayin ang malasakit at paguunawa sa ating kapwa sa gitna ng krisis na ito.

– Mayor Eleanor D. Dominguez